21 Kung ganoon, taliwas ba ang Kautusan sa mga pangako ng Dios? Hindi! Sapagkat kung ang Kautusan ay makapagbibigay-buhay, ito na sana ang naging paraan ng Dios para ituring tayong matuwid.
22 Ngunit sinasabi ng Kautusan na ang buong mundo ay alipin ng kasalanan. Kaya ang mga sumasampalataya lamang kay Jesu-Cristo ang makakatanggap ng mga ipinangako ng Dios.
23 Noong hindi pa dumarating itong tinatawag na pananampalataya kay Cristo, para tayong mga bilanggo. Binilanggo tayo ng kautusan hanggang sa araw na inihayag ang kaligtasan natin sa pamamagitan ng pananampalataya.
24 Ang Kautusan ay naging tagapag-alaga natin hanggang sa dumating si Cristo, para sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya ay maituring tayong matuwid.
25 At ngayong may pananampalataya na, wala na tayo sa patnubay ng Kautusan na tagapag-alaga.
26 Kayong lahat ay mga anak ng Dios dahil sa pananampalataya ninyo kay Cristo Jesus.
27 Sapagkat binautismuhan kayo sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo at namumuhay kayong katulad niya.