7 Malinaw na ang mga sumasampalataya sa Dios ang siyang mga tunay na anak ni Abraham.
8 Noon pa man, sinasabi na sa Kasulatan na ituturing na matuwid ng Dios ang mga hindi Judio sa pamamagitan ng pananampalataya nila. At ang Magandang Balitang itoʼy ipinahayag ng Dios kay Abraham nang sabihin niya, “Pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.”
9 Sumampalataya si Abraham sa Dios at pinagpala siya. Kaya lahat ng sumasampalataya sa Dios ay pinagpapala rin tulad ni Abraham.
10 Ngunit ang lahat ng umaasang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan ay isinumpa na ng Dios. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Isinusumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan.”
11 Malinaw na walang taong ituturing na matuwid sa harap ng Dios sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan dahil sinasabi sa Kasulatan, “Ang taong itinuring na matuwid ng Dios dahil sa pananampalataya niya ay mabubuhay.”
12 Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Ang nagnanais mabuhay sa pamamagitan ng Kautusan ay kailangang sumunod sa lahat ng iniuutos nito.”
13 Ngunit hindi natin masunod ang lahat ng iniuutos ng Kautusan, kaya sinumpa tayo ng Dios. Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Sinumpa siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang sinumang binitay sa puno.”