1-2 Ito ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. Nagsimula ito nang matupad ang isinulat ni Propeta Isaias tungkol sa sinabi ng Dios sa kanyang Anak: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.
3 Maririnig ang kanyang sigaw sa ilang, na nagsasabi,‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”
4-5 At natupad ito noong dumating si Juan na tagapagbautismo roon sa ilang. Napakaraming tao ang pumunta sa kanya galing sa Jerusalem at sa buong lalawigan ng Judea. Nangaral si Juan sa mga tao, “Magsisi kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan; magpabautismo kayo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan.
6 Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kanyang kinakain ay balang at pulot pukyutan.
7 Ito ang ipinapahayag niya, “May isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin at hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.
8 Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”
9 Sa panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at nagpabautismo kay Juan sa Ilog ng Jordan.
10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang langit at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu tulad ng isang kalapati.
11 At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”
12 At noon din ay pinapunta siya ng Banal na Espiritu sa ilang.
13 Nanatili siya roon ng 40 araw na tinutukso ni Satanas. May mababangis na hayop doon, pero tinulungan si Jesus ng mga anghel.
14 Nang mabilanggo si Juan na tagapagbautismo, pumunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balita na mula sa Dios.
15 Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na ang paghahari ng Dios. Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Magandang Balita!”
16 Isang araw, habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila ng lambat.
17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”
18 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang dalawang anak ni Zebedee na sina Santiago at Juan na nag-aayos ng kanilang lambat sa bangka nila.
20 Agad silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedee at ang mga tauhan nila, at sumunod kay Jesus.
21 Pumunta sina Jesus sa Capernaum. Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at doon ay nangaral si Jesus.
22 Namangha ang mga tao sa mga aral niya, dahil nangangaral siya nang may awtoridad, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23 May isang tao roon na sinasaniban ng masamang espiritu ang biglang nagsisigaw:
24 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na sugo ng Dios!”
25 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!”
26 Pinangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumigaw siya habang lumalabas.
27 Namangha ang lahat ng naroon, at sinabi nila sa isaʼt isa, “Ano ito? Isang bagong aral na may kapangyarihan! Pati ang masasamang espiritu ay nauutusan niya at sumusunod sila!”
28 At mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong Galilea.
29 Mula sa sambahan ng mga Judio, pumunta sina Jesus sa bahay nina Simon at Andres. Kasama pa rin nila sina Santiago at Juan.
30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil nilalagnat. Sinabi agad nila ito kay Jesus.
31 Nilapitan ni Jesus ang may sakit, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Biglang nawala ang lagnat ng babae, at pinagsilbihan niya sina Jesus.
32 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit at ang mga sinasaniban ng masamang espiritu.
33 At ang lahat ng tao sa bayang iyon ay nagkatipon-tipon sa harapan ng pinto ng bahay.
34 Maraming may sakit ang pinagaling ni Jesus, anuman ang kanilang karamdaman, at pinalayas din niya ang maraming masamang espiritu. Hindi niya pinayagang magsalita ang masasamang espiritu, dahil alam nila kung sino siya.
35 Kinabukasan ng madaling-araw, bumangon si Jesus at pumunta sa ilang upang manalangin.
36 Hinanap siya nina Simon at ng kanyang mga kasama.
37 Nang matagpuan nila si Jesus, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.”
38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Pumunta naman tayo sa mga kalapit-bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako naparito sa mundo.”
39 Kaya nilibot ni Jesus ang buong Galilea at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at nagpalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinaniban ng mga ito.
40 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat. Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawang pagalingin siya. Sinabi niya, “Kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.”
41 Naawa si Jesus sa kanya. Kaya hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!”
42 Gumaling agad ang sakit niya, at siya ay luminis.
43-44 Pinaalis siya agad ni Jesus at binilinan, “Huwag mo itong ipagsasabi kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.”
45 Pero pagkaalis niya, ipinamalita niya ang nangyari sa kanya. Kaya kumalat ang balitang ito hanggang sa hindi na lantarang makapasok si Jesus sa mga bayan dahil pinagkakaguluhan siya ng mga tao. Kaya roon na lang siya nanatili sa mga ilang. Pero pumupunta pa rin doon ang mga tao mula sa ibaʼt ibang lugar.