1 Dalawang araw na lang noon bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel at Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga namamahalang pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng pagkakataon upang lihim nilang madakip at maipapatay si Jesus.
2 Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”
3 Nang si Jesus ay nasa Betania, habang kumakain siya sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, dumating ang isang babae. May dala siyang mamahaling pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. Ang pabangong ito ay puro at mula sa tanim na “nardo.” Binasag niya ang leeg ng sisidlan at saka ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus.
4 Nagalit ang ilang tao na naroon. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabango?
5 Maipagbibili sana iyan sa halagang katumbas ng isang taong sweldo, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” At pinagalitan nila ang babae.
6 Pero sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Bakit nʼyo siya ginugulo? Mabuti itong ginawa niya sa akin.
7 Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama at maaari kayong tumulong sa kanila kahit anong oras, pero ako ay hindi nʼyo laging makakasama.