38 At sinabi niya sa kanila, “Magpuyat kayo at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”
39 Muling lumayo si Jesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin.
40 Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Jesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila kay Jesus.
41 Sa ikatlong pagbalik ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan.
42 Tayo na! Narito na ang nagtatraydor sa akin.”
43 Nagsasalita pa si Jesus nang biglang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio.
44 Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya at dalhin, at bantayang mabuti.”