32 Pero patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang humipo sa kanya.
33 Alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, kaya lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Ipinagtapat niya ang katotohanan kay Jesus.
34 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa. Magaling ka na.”
35 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairus. Sinabi nila kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.”
36 Pero hindi pinansin ni Jesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.”
37 Hindi pinayagan ni Jesus ang mga tao na sumama sa kanya sa bahay ni Jairus. Sa halip, si Pedro at ang magkapatid na sina Santiago at Juan lang ang isinama niya.
38 Pagdating nila roon, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao. May mga umiiyak at may mga humahagulgol.