1 Pagkatapos ng ilang araw, muling nagtipon ang maraming tao sa kinaroroonan ni Jesus. Nang wala na silang makain, tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi,
2 “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain.
3 Kung pauuwiin ko naman sila nang gutom, baka himatayin sila sa daan dahil malayo pa ang pinanggalingan ng iba sa kanila.”
4 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?”
5 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po.”
6 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao.
7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Pinasalamatan din iyon ni Jesus at iniutos na ipamigay din sa mga tao.