17 Alam ni Jesus kung ano ang pinag-uusapan nila kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagtatalo-talo na wala kayong dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Hindi ba ninyo ito naiintindihan? Matigas pa rin ba ang mga puso ninyo?
18-19 May mga mata kayo, pero hindi kayo makakita. May mga tainga kayo, pero hindi kayo makarinig. Nakalimutan nʼyo na ba nang paghahati-hatiin ko ang limang tinapay para sa 5,000 tao? Ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Labindalawa po!”
20 Nagtanong pa si Jesus, “At nang paghahati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 tao ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Pito po!”
21 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan ang sinabi ko tungkol sa pampaalsa?”
22 Pagdating nila sa Betsaida, may mga taong nagdala ng isang lalaking bulag kay Jesus. Nagmakaawa sila na kung maaari ay hipuin niya ang bulag upang makakita.
23 Kaya inakay ni Jesus ang bulag palabas ng Betsaida. Pagdating nila sa labas, dinuraan niya ang mga mata ng bulag. Pagkatapos, ipinatong niya ang kamay niya sa bulag at saka nagtanong, “May nakikita ka na ba?”
24 Tumingala ang lalaki at sinabi, “Nakakakita na po ako ng mga tao, pero para silang mga punongkahoy na lumalakad.”