12 Higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa sa mga pangako ninyo. Huwag ninyong sabihin, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o ano pa man. Sabihin nʼyo lang na “Oo” kung oo, at “Hindi” kung hindi, para hindi kayo hatulan ng Dios.
13 Mayroon bang dumaranas ng paghihirap sa inyo? Dapat siyang manalangin sa Dios. Mayroon bang masaya sa inyo? Dapat siyang umawit ng mga papuri.
14 Mayroon bang may sakit sa inyo? Dapat niyang ipatawag ang mga namumuno sa iglesya para ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon.
15 Ang panalanging may pananampalataya ay nakapagpapagaling ng may sakit. Ibabangon siya ng Panginoon at patatawarin kung nagkasala siya.
16 Kaya nga, ipagtapat ninyo sa isaʼt isa ang mga kasalanan nʼyo at ipanalangin ang isaʼt isa para gumaling kayo. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid,
17 katulad ni propeta Elias. Tao rin siyang tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, at hindi nga umulan ng tatloʼt kalahating taon.
18 At nang nanalangin siya para umulan, bumuhos ang ulan, at namunga ang mga pananim.