1 Kayong mayayaman, makinig kayo! Umiyak kayoʼt maghinagpis dahil sa mga kahirapang darating sa inyo.
2 Nabubulok na ang mga kayamanan nʼyo at sinisira na ng insekto ang mga damit ninyo.
3 Itinatago nʼyo lang ang mga pera nʼyo at hindi naman napapakinabangan. Sa mga huling araw, hahatulan kayo sa impyerno dahil sa pera ninyong hindi naman ginamit sa kabutihan. Sayang lang ang mga itinago nʼyo dahil malapit na ang katapusan ng mundo.
4 Pakinggan ninyo ang reklamo ng mga manggagawa laban sa inyo. Pinagtrabaho ninyo sila sa inyong bukirin pero hindi ninyo binigyan ng sahod. Nakarating na sa Panginoong Makapangyarihan ang mga hinaing nila.
5 Namuhay kayo nang marangya at maluho sa mundong ito. Para nʼyo na ring pinataba ang sarili nʼyo para sa araw ng pagkatay.
6 Hinatulan ninyoʼt ipinapatay ang mga taong walang kasalanan kahit hindi sila lumalaban sa inyo.
7 Mga kapatid, maging matiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Pagmasdan ninyo ang magsasaka: matiyaga niyang hinihintay ang unang pag-ulan. At pagkatapos niyang magtanim, matiyaga rin siyang naghihintay sa susunod na ulan at anihan.
8 Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob dahil nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
9 Huwag kayong magsisihan, mga kapatid, para hindi kayo hatulan ng Dios. Malapit nang dumating ang Hukom.
10 Tularan nʼyo ang pagtitiyaga at pagtitiis ng mga propeta na mga tagapagsalita ng Panginoon.
11 Hindi baʼt itinuturing nating mapalad ang mga taong nagtitiis? Alam nʼyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at alam naman ninyo kung paano siya tinulungan ng Panginoon sa bandang huli. Sadyang mabuti at maawain ang Panginoon.
12 Higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa sa mga pangako ninyo. Huwag ninyong sabihin, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o ano pa man. Sabihin nʼyo lang na “Oo” kung oo, at “Hindi” kung hindi, para hindi kayo hatulan ng Dios.
13 Mayroon bang dumaranas ng paghihirap sa inyo? Dapat siyang manalangin sa Dios. Mayroon bang masaya sa inyo? Dapat siyang umawit ng mga papuri.
14 Mayroon bang may sakit sa inyo? Dapat niyang ipatawag ang mga namumuno sa iglesya para ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon.
15 Ang panalanging may pananampalataya ay nakapagpapagaling ng may sakit. Ibabangon siya ng Panginoon at patatawarin kung nagkasala siya.
16 Kaya nga, ipagtapat ninyo sa isaʼt isa ang mga kasalanan nʼyo at ipanalangin ang isaʼt isa para gumaling kayo. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid,
17 katulad ni propeta Elias. Tao rin siyang tulad natin. Mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, at hindi nga umulan ng tatloʼt kalahating taon.
18 At nang nanalangin siya para umulan, bumuhos ang ulan, at namunga ang mga pananim.
19 Mga kapatid, kung nalilihis sa katotohanan ang isa sa inyo at may nakapagpabalik sa kanya sa tamang landas,
20 dapat ninyong malaman na ang nagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang masamang pamumuhay ay nagliligtas ng kaluluwa ng taong iyon sa kamatayan, at magdudulot ng kapatawaran ng maraming kasalanan.