1 Mula kay Pedro na apostol ni Jesu-Cristo. Mahal kong mga pinili ng Dios na nangalat at naninirahan bilang mga dayuhan sa Pontus, Galacia, Capadosia, Asia at Bitinia:
2 Pinili na kayo ng Dios Ama noon pa para maging mga anak niya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, para sundin nʼyo si Jesu-Cristo at upang linisin kayo sa mga kasalanan nʼyo sa pamamagitan ng kanyang dugo.Sumainyo nawa ang higit pang biyaya at kapayapaan.
3-4 Purihin natin ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa dakila niyang awa sa atin, ipinanganak tayong muli sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa na may nakahandang mana ang Dios para sa atin. Ang manang itoʼy nasa langit, walang kapintasan, hindi nasisira, at hindi kumukupas.
5 At sa pamamagitan ng pananampalataya nʼyo, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Dios habang naghihintay kayo ng kaligtasang nakalaang ihayag sa huling panahon.
6 Dahil dito, dapat kayong magalak sa kabila ng ibaʼt ibang pagsubok, dahil ang mga pagsubok na itoʼy panandalian lang, at dapat ninyong maranasan,
7 para masubukan kung talagang tunay ang pananampalataya ninyo. Katulad ng ginto, sinusubok ito sa apoy para malaman kung tunay o hindi. Pero mas mahalaga ang pananampalataya natin kaysa sa ginto na nawawala. Kaya kapag napatunayang tunay ang pananampalataya nʼyo, papupurihan kayoʼt pararangalan pagdating ni Jesu-Cristo.
8 Kahit hindi nʼyo siya nakita ay mahal nʼyo siya, at kahit hindi nʼyo pa siya nakikita hanggang ngayon, sumasampalataya pa rin kayo sa kanya. At nag-uumapaw ang inyong kagalakan na hindi kayang ipahayag ng bibig,
9 dahil tinatanggap nʼyo ang bunga ng pananampalataya nʼyo, na walang iba kundi ang inyong kaligtasan.
10 Ang kaligtasang itoʼy pinagsikapang saliksikin ng mga propeta noon. Sila ang nagpahayag tungkol sa kaloob na ito ng Dios sa atin.
11 Ipinahayag na sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila, na maghihirap siya bago parangalan. Kaya patuloy sa pagsasaliksik ang mga propeta noon kung kailan at kung papaano ito mangyayari.
12 Ipinahayag din sa kanila na ang mga bagay na ipinaalam nila ay hindi para sa ikabubuti nila kundi para sa atin. At ngayon, napakinggan nʼyo na sa mga nangangaral ng Magandang Balita ang mga ipinahayag nila. Nagsalita sila sa inyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritung sinugo sa kanila mula sa langit. Kahit ang mga anghel noon ay nagnais na maunawaan ang Magandang Balitang ito na ipinangaral sa inyo.
13 Kaya lagi kayong maging handa na gawin ang kalooban ng Dios. Magpakatatag kayo at lubos na umasa na matatanggap nʼyo ang mga pagpapalang ibibigay sa inyo kapag dumating na si Jesu-Cristo.
14 Bilang masunuring mga anak ng Dios, huwag kayong padadala sa masasamang hilig ninyo noong hindi pa kayo nakakakilala sa Dios.
15 Banal ang Dios na tumawag sa inyo, kaya dapat magpakabanal din kayo sa lahat ng ginagawa ninyo.
16 Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan, “Magpakabanal kayo dahil banal ako.”
17 Walang pinapaboran ang Dios. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa gawa ng bawat isa. Kaya kung tinatawag nʼyo siyang Ama kapag nananalangin kayo sa kanya, igalang nʼyo siya habang naninirahan pa kayo sa mundong ito.
18 Alam naman ninyo kung ano ang ipinangtubos sa inyo mula sa walang kabuluhang pamumuhay na minana nʼyo sa mga ninuno ninyo. Ang ipinangtubos sa inyoʼy hindi ang mga bagay na nawawala katulad ng ginto o pilak,
19 kundi ang mahalagang dugo ni Cristo. Katulad siya ng isang tupa na walang dungis o kapintasan na inihandog sa Dios.
20 Bago pa likhain ang mundo, pinili na ng Dios si Cristo para maging Tagapagligtas natin. At ipinahayag siya ng Dios nitong mga huling araw alang-alang sa inyo.
21 Sa pamamagitan niya, sumasampalataya kayo sa Dios na muling bumuhay at nagparangal sa kanya. Kaya ang pananalig nʼyo ay sa Dios, at umaasa kayo sa kanya na muli niya rin kayong bubuhayin at pararangalan.
22 At dahil sumusunod na kayo sa katotohanan, malinis na kayo sa mga kasalanan ninyo, at ngayon ay nagkaroon na kayo ng tapat na pagmamahal sa mga kapatid nʼyo kay Cristo. Magmahalan kayo ng taos-puso,
23 dahil ipinanganak na kayong muli. At ang kapanganakang itoʼy hindi sa pamamagitan ng mga magulang ninyong namamatay, kundi sa pamamagitan ng buhay at walang hanggang salita ng Dios.
24 Ayon sa Kasulatan,“Ang lahat ng tao ay parang damo,ang kanilang katanyagan ay parang bulaklak nito.Ang damo ay nalalanta at ang bulaklak nito ay nalalaglag,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”At ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.