1 Kayong mga babae, magpasakop kayo sa asawa ninyo, upang kung ang asawa ninyoʼy hindi pa naniniwala sa salita ng Dios, maaaring madala nʼyo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita.
2 Sapagkat nakikita nilang may takot kayo sa Dios at malinis ang pamumuhay ninyo.
3 Kung gusto ninyong maging maganda, huwag sa panlabas lang tulad ng pag-aayos nʼyo ng buhok na nilalagyan ng mamahaling alahas, at pagsusuot ng mamahaling damit.
4 Sa halip, pagandahin ninyo ang inyong kalooban, ang mabuting pag-uugali na hindi nagbabago. Maging mahinhin kayo at maging mabait. Ito ang mahalaga sa paningin ng Dios.
5 At ito ang ginagawa ng mga babaeng banal noong unang panahon. Nagpapaganda sila sa pamamagitan ng pagpapasakop nila sa kanilang asawa.
6 Katulad ni Sara, sinunod niya si Abraham at tinawag pa niyang “panginoon.” Mga anak na kayo ni Sara, kaya dapat matuwid ang ginagawa nʼyo, at huwag kayong matakot sa kahit anuman.
7 Kayo namang mga lalaki, pakisamahan ninyong mabuti ang inyong asawa, dahil ito ang nararapat bilang isang Cristiano. Igalang nʼyo sila bilang mga babaeng mas mahina kaysa sa inyo, dahil binigyan din sila ng Dios ng buhay na walang hanggan katulad ninyo. Kapag ginawa nʼyo ito, sasagutin ng Dios ang mga panalangin ninyo.
8 Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa.
9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Dios, dahil pinili kayo ng Dios na gawin ito, at para kaawaan din niya kayo.
10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,“Ang sinumang nagnanais ng maligaya at masaganang pamumuhay ay hindi dapat magsalita ng masama at kasinungalingan.
11 Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti.Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan.
12 Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid, at sinasagot niya ang mga panalangin nila,ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama.”
13 Sino ang gagawa ng masama sa inyo kung laging mabuti ang ginagawa nʼyo?
14 Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa nʼyo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo.
15 Alalahanin nʼyo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo.
16 At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensya, para mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga tagasunod ni Cristo.
17 Mas mabuti pang magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng mabuti, kung ito talaga ang kalooban ng Dios, kaysa sa magtiis kayo ng hirap dahil sa paggawa ng masama.
18 Sapagkat si Cristo ngaʼy pinatay kahit wala siyang nagawang masama. At minsan lang siya namatay para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siya na walang kasalanan ay pinatay alang-alang sa atin na mga makasalanan, para madala niya tayo sa Dios. Pinatay siya sa laman pero binuhay siya sa espiritu.
19-20 At sa kalagayan niyang espiritwal, nangaral siya kahit sa mga espiritu ng mga taong nakabilanggo, na hindi sumunod sa Dios noong panahon ni Noe. Sa panahong iyon, matiyagang hinintay ng Dios ang pagsampalataya nila sa kanya habang ginagawa ang barko. Ngunit walong tao lang ang sumampalataya at pumasok sa barko at nakaligtas sa tubig.
21 Ang tubig na itoʼy larawan ng bautismong nagliligtas sa atin sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Hindi ito paghuhugas ng dumi sa katawan, kundi pangako natin sa Dios na hindi na tayo gagawa ng anumang bagay na alam nating labag sa kalooban niya.
22 Si Jesu-Cristo ay nasa langit na ngayon, sa kanan ng Dios, at ipinasakop sa kanya ang lahat ng anghel at ang lahat ng espiritung namumuno at may kapangyarihan.