4 Mahal kong Tito, aking tunay na anak sa iisang pananampalataya:Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.
5 Iniwan kita sa Crete upang tapusin ang mga gawaing hindi ko natapos, gaya ng bilin ko sa iyo na pumili ng mga mamumuno sa iglesya sa bawat bayan.
6 Piliin mo ang may magandang reputasyon, isa lang ang asawa, ang mga anak ay mananampalataya at hindi napaparatangang magulo o matigas ang ulo.
7 Sapagkat kailangang maganda ang reputasyon ng isang namumuno bilang tagapangasiwa sa gawain ng Dios. Dapat ay hindi siya mayabang, hindi mainitin ang ulo, hindi lasenggo, hindi basagulero, at hindi gahaman sa pera.
8 Sa halip ay dapat bukas ang kanyang tahanan sa kapwa, maibigin sa kabutihan, marunong magpasya kung ano ang nararapat, matuwid, banal at marunong magpigil sa sarili.
9 Dapat ay pinanghahawakan niyang mabuti ang mapagkakatiwalaang mensahe na itinuro sa kanya, upang maituro rin niya sa iba at maituwid ang mga sumasalungat dito.
10 Sapagkat marami ang hindi naniniwala sa aral na ito, lalo na ang grupong ipinipilit na magpatuli ang mga mananampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang mga sinasabi at mga mandaraya sila.