1 Paalalahanan mo ang mga mananampalataya na magpasakop at sumunod sa mga may kapangyarihan. Kinakailangang lagi silang handa sa paggawa ng anumang mabuti.
2 Huwag nilang siraan ang sinuman, at huwag silang maging palaaway, sa halip, dapat silang maging maunawain at mapagpakumbaba sa lahat.
3 Sapagkat noong una, tayo rin ay kulang sa pang-unawa tungkol sa katotohanan at mga masuwayin. Nilinlang at inalipin tayo ng lahat ng uri ng kahalayan at kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Kinapootan tayo ng iba, at kinapootan din natin sila.
4 Ngunit nang mahayag ang biyaya at pag-ibig ng Dios na ating Tagapagligtas,
5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa kanyang awa. Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na naghugas sa atin at nagbigay ng bagong buhay.
6 Masaganang ibinigay sa atin ng Dios ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas,
7 upang sa kanyang biyayaʼy maituring tayong matuwid at makamtan natin ang buhay na walang hanggan na ating inaasahan.
8 Ang mga aral na itoʼy totoo at mapagkakatiwalaan. Kaya gusto kong ituro mo ang mga bagay na ito upang ang mga sumasampalataya sa Dios ay maging masigasig sa paggawa ng mabuti. Ang mga itoʼy mabuti at kapaki-pakinabang sa lahat.
9 Ngunit iwasan mo ang mga walang kwentang pagtatalo-talo, ang pagsusuri kung sinu-sino ang mga ninuno, at ang mga diskusyon at debate tungkol sa Kautusan, dahil wala itong naidudulot na mabuti.
10 Pagsabihan mo ang taong sumisira sa inyong pagkakaisa. Itakwil mo siya kung pagkatapos ng dalawang babalaʼy hindi pa rin siya nagbabago.
11 Alam nʼyo na masama ang ganyang tao, at ang kanyang mga kasalanan mismo ang nagpapatunay na parurusahan siya.
12 Papupuntahin ko riyan si Artemas o si Tykicus. Kapag dumating na ang sinuman sa kanila, sikapin mong makapunta agad sa akin sa Nicopolis, dahil napagpasyahan kong doon magpalipas ng taglamig.
13 Gawin mo ang iyong magagawa para matulungan sina Zenas na abogado at Apolos sa kanilang paglalakbay, at tiyakin mo na hindi sila kukulangin sa kanilang mga pangangailangan.
14 At turuan mo ang ating mga kapatid na maging masigasig sa paggawa ng mabuti, para makatulong sila sa mga nangangailangan. Sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ang kanilang buhay.
15 Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa mga kapatid diyan na nagmamahal sa amin.Pagpalain nawa kayong lahat ng Dios.