9 Turuan mo rin ang mga alipin na maging masunurin sa kanilang mga amo sa lahat ng bagay, upang masiyahan ang mga ito. At huwag silang maging palasagot.
10 Huwag din silang mangungupit sa kanilang amo, kundi ipakita nilang silaʼy tapat at mapagkakatiwalaan. Nang sa ganoon, maipapakita nila sa lahat ng kanilang ginagawa ang kagandahan ng ating mga itinuturo tungkol sa Dios na ating Tagapagligtas.
11 Sapagkat ang biyaya ng Dios na nagbibigay ng kaligtasan ay inihayag na sa lahat ng tao.
12 Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang kasamaan at makamundong pagnanasa. Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios
13 habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.
14 Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin upang tubusin tayo sa lahat ng kasamaan, at upang tayoʼy maging mamamayan niya na malinis at handang gumawa ng mabuti.
15 Ituro mo sa kanila ang mga bagay na ito. Gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa paghimok at pagsaway. At huwag mong hayaang hamakin ka ninuman.