1 Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Egipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo:
2 Sa lahat ng bansa sa buong mundo, kayo lamang ang aking pinili na maging mga mamamayan ko. Kaya parurusahan ko kayo dahil sa lahat ng inyong mga kasalanan.
3 Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung hindi sila magkasundo?
4 Umaatungal ba ang leon sa kagubatan kung wala siyang mabibiktima? Aatungal ba siya sa loob ng kanyang yungib kung wala siyang nahuli?
5 Mahuhuli ba ang ibon kung walang pain na inilagay sa bitag? At iigkas ba ang bitag kung walang nahuli?
6 Hindi baʼt nanginginig sa takot ang mga tao sa tuwing patutunugin ang trumpeta na nagpapahiwatig na may paparating na kaaway? Mangyayari ba ang kapahamakan sa isang lungsod kung hindi ito pinahintulutan ng Panginoon?
7 Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman ang Panginoong Dios na hindi muna niya ipinababatid sa kanyang mga lingkod na propeta.
8 Sino ang hindi matatakot kung umaatungal na ang leon? Sino kaya ang hindi magpapahayag ng mensahe ng Panginoong Dios kung ang Panginoong Dios na mismo ang nagsasalita sa kanya?
9 Sabihin ninyo sa mga pinunong nakatira sa matitibay na bahagi ng Ashdod at Egipto na magtipon sila sa mga burol sa paligid ng Samaria at tingnan nila ang kaguluhang nangyayari sa lungsod na ito at ang panggigipit sa mga mamamayan nito.
10-11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios laban sa Samaria: “Hindi sila marunong gumawa ng matuwid. Ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod ay puno ng mga bagay na ninakaw at sinamsam. Kaya lulusubin sila ng mga kaaway at gigibain ang kanilang mga kampo. Sasamsamin ng mga kaaway ang mga ari-arian sa matitibay na bahagi ng kanilang lungsod.”
12 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: “Ang maililigtas lang ng isang pastol sa tupang sinisila ng leon ay maaaring dalawang paa o isang tainga lamang. Ganoon din ang mangyayari sa inyong mga Israelitang nakatira sa Samaria; wala kayong maililigtas kundi bahagi na lamang ng inyong magagandang higaan.”
13 Sinabi ng Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko at sabihin din ninyo ito sa mga lahi ni Jacob:
14 Sa araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan, wawasakin ko ang mga altar sa Betel. Puputulin ko ang sungay ng mga sulok ng altar at mahuhulog ang mga ito sa lupa.
15 Wawasakin ko ang kanilang mga bahay na pangtaglamig at ang mga bahay na pangtag-init. Wawasakin ko rin ang kanilang mamahalin at malalaking bahay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”