1-2 May isang hari sa Persia na ang pangalan ay Ahasuerus. Nakatira siya sa palasyo niya sa lungsod ng Susa. Ang nasasakupan niya ay 127 probinsya mula sa India hanggang sa Etiopia.
3 Nang ikatlong taon ng paghahari niya, nagdaos siya ng malaking handaan para sa mga pinuno niya at sa iba pang lingkod sa palasyo. Dumalo rin ang mga pinuno ng mga kawal ng Persia at Media pati na ang mararangal na tao at mga pinuno ng mga probinsya.
4 Ang handaang iyon ay tumagal ng anim na buwan. At sa loob ng mga panahong iyon, ipinakita ni Ahasuerus ang kayamanan ng kaharian niya, ang kanyang kapangyarihan, at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay.
5 Pagkatapos noon, naghanda rin ang hari para sa lahat ng mga taga-Susa, mayaman man o dukha. Ang handaang iyon ay ginanap sa hardin ng palasyo ng hari, at tumagal ng isang linggo.
6 Naglagay sila ng kurtinang puti at asul na tinalian ng panaling gawa sa telang linen na kulay ube. At ikinabit sa mga argolya na pilak sa mga haliging marmol. Ang mga upuan ay yari sa ginto at pilak. Ang sahig naman nito ay may disenyong yari sa kristal, marmol, nakar, at iba pang mamahaling bato.