1 Nang araw ding iyon, ibinigay ni Haring Ahasuerus kay Reyna Ester ang ari-arian ni Haman, ang kalaban ng mga Judio. Sinabi ni Ester sa hari na kamag-anak niya si Mordecai, kaya ipinatawag ito ng hari.
2 Kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak, na binawi niya kay Haman, at ibinigay kay Mordecai. At siya ang ginawang katiwala ni Ester sa lahat ng ari-arian ni Haman.
3 Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Ahasuerus habang nakaluhod at umiiyak sa kanyang paanan. Hiniling niyang huwag nang ituloy ang masamang plano ni Haman na Agageo laban sa mga Judio.
4-5 Itinuro ng hari ang kanyang gintong setro kay Ester, kaya tumayo siya sa harap ng hari at sinabi, “Kung kalugod-lugod po ako sa inyo, Mahal na Hari, at kung para sa inyoʼy tama at matuwid ito, nais ko sanang hilingin sa inyo na gumawa po kayo ng isang kautusan na magpapawalang bisa sa kautusang ipinakalat ni Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na patayin ang lahat ng Judio sa inyong kaharian.
6 Hindi ko po matitiis na makitang nililipol ang mga kalahi at mga kamag-anak ko.”
7 Sinabi ni Haring Ahasuerus kay Ester at kay Mordecai na Judio, “Ipinatuhog ko na si Haman dahil sa masama niyang plano na patayin ang mga Judio. Kaya ibinigay ko na sa iyo, Ester, ang mga ari-arian niya.
8 Kaya gumawa kayo ng kautusan sa aking pangalan ng anumang nais ninyong isulat para sa ikabubuti ng mga Judio, at pagkatapos ay tatakan ninyo ng singsing ko. Dahil anumang kasulatan na isinulat sa pangalan ng hari at tinatakan ng singsing niya ay hindi mababago.”
9 Kaya noong ika-23 ng ikatlong buwan, ang buwan ng Sivan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari. Isinulat nila ang lahat ng idinikta ni Mordecai. Ang sulat ay para sa mga Judio, mga gobernador, mga punong-bayan, at iba pang lingkod ng hari sa 127 lalawigan, mula sa India hanggang sa Etiopia. Isinulat ito sa bawat wika ng mga tao sa buong kaharian, pati na sa wika ng mga Judio.
10 Ipinasulat ni Mordecai sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari. At pagkatapos, ipinadala sa pamamagitan ng mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari.
11 Ayon sa sulat na iyon, binigyan ng pahintulot ang lahat ng Judio na magsama-sama at ipagtanggol ang kanilang sarili, pati na ang kanilang mga babae at mga bata. Maaari nilang patayin ang sinumang sasalakay sa kanila mula sa kahit anong bansa o probinsya. Pinahintulutan din silang samsamin ang mga ari-arian ng kanilang mga kaaway.
12 Gagawin ito ng mga Judio sa lahat ng probinsyang nasasakupan ni Haring Ahasuerus, sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.
13 Ang sulat na itoʼy ipapadala sa lahat ng probinsya bilang isang kautusan at dapat ipaalam sa lahat, para makapaghanda ang mga Judio sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa mga kaaway nila sa araw na iyon.
14 Kaya sa utos ng hari, nagmamadaling umalis ang mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari. Ang utos na iyon ay ipinakalat din sa lungsod ng Susa.
15 Nang lumabas si Mordecai sa palasyo, nakadamit siya ng damit panghari na puti at asul at nakabalabal ng pinong linen na kulay ube, at may malaking koronang ginto sa kanyang ulo. Nagsigawan sa tuwa ang mga tao sa lungsod ng Susa.
16 Labis ang katuwaan ng lahat ng Judio.
17 Sa bawat lungsod o probinsya na naabot ng utos ng hari, tuwang-tuwa ang mga Judio at nagdiwang sila. At marami sa lupaing iyon ang naging Judio dahil sa takot nila sa mga Judio.