6 Naglagay sila ng kurtinang puti at asul na tinalian ng panaling gawa sa telang linen na kulay ube. At ikinabit sa mga argolya na pilak sa mga haliging marmol. Ang mga upuan ay yari sa ginto at pilak. Ang sahig naman nito ay may disenyong yari sa kristal, marmol, nakar, at iba pang mamahaling bato.
7-8 Pati ang mga kopa na iniinuman ng mga panauhin ay yari sa ginto na ibaʼt iba ang hugis at disenyo. Nag-utos ang hari sa mga alipin niya na bigyan ng mamahaling alak ang mga panauhin niya hanggaʼt gusto nila.
9 Habang nagdadaos ng handaan ang hari para sa mga kalalakihan, nagdadaos din ng handaan si Reyna Vasti para sa mga kababaihan sa palasyo ni Haring Ahasuerus.
10 At sa ikapitong araw ng pagdiriwang, masayang-masaya ang hari dahil sa labis na nainom. Ipinatawag niya ang pitong pinuno niya na may matataas na katungkulan na personal na nag-aasikaso sa kanya. Itoʼy sina, Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar at Carcas.
11 Pagkatapos, ipinasundo niya si Reyna Vasti. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang kanyang korona para ipakita ang kagandahan niya sa mga pinuno at mga panauhin, dahil talagang maganda ito.
12 Pero nang masabi ng mga lingkod sa reyna ang gusto ng hari, sinabi nitong ayaw niyang pumunta roon. Kaya nagalit ang hari sa kanya.
13 Nakaugalian na noon ng hari na humingi ng payo sa mga pantas na siyang nakakaalam ng mga batas at kaugalian ng kaharian.