Ester 2:3-9 ASND

3 Pumili po kayo ng mga pinuno sa bawat probinsyang nasasakupan ng kaharian ninyo para maghanap ng magagandang dalagang birhen at dalhin dito sa lungsod ng Susa, sa tahanan ng mga kababaihan. Ipaasikaso ninyo sila kay Hegai na isa sa mga pinuno ninyong mataas ang katungkulan, na nangangalaga sa tahanan ng mga kababaihan. Siya na po ang bahalang magbigay sa mga dalaga ng mga pangangailangan nila para sa pagpapaganda.

4 At ang dalaga pong magugustuhan ninyo ang siyang ipapalit ninyo kay Vasti bilang reyna.” Nagustuhan ng hari ang payong ito kaya sinunod niya.

5 Nang panahong iyon, may isang Judio na nakatira sa lungsod ng Susa. Ang pangalan niyaʼy Mordecai na anak ni Jair, na apo ni Shimei na anak ni Kish, na kabilang sa lahi ni Benjamin.

6 Isa siya sa mga bihag ni Haring Nebucadnezar na dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jehoyakin ng Juda.

7 Si Mordecai ay may pinsang dalaga. Nang itoʼy maulila, inalagaan niya ito, pinalaki at itinuring na parang sarili niyang anak. Ang pangalan niya ay Hadasa na tinatawag ding Ester. Maganda si Ester at maganda rin ang hugis ng katawan nito.

8 Nang maihayag ang utos ng hari, maraming dalaga ang dinala sa palasyo ng hari roon sa Susa. Ang isa sa kanila ay si Ester. Ipinaasikaso sila kay Hegai dahil ito nga ang nangangasiwa sa mga babaeng dinadala roon.

9 Tuwang-tuwa si Hegai kay Ester, kaya mabuti ang pakikitungo niya rito. Binigyan niya agad ng pagkain si Ester at ng mga kailangan nito sa pagpapaganda. Ipinili niya ito ng pinakamagandang kwarto at binigyan ng pitong katulong na babae.