6 Nang naroon na si Haman, tinanong siya ng hari, “Ano ang mabuting gawin sa taong nais parangalan ng hari?” Ang akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari na pararangalan.
7 Kaya sinabi niya, “Ito po ang gawin nʼyo, Mahal na Hari:
8 Ipakuha nʼyo ang isa sa inyong mga damit na panghari na nasuot na, at ang isa sa mga sinasakyan nʼyong kabayo, na may sagisag ng hari na nakasuot sa ulo nito.
9 Pagkatapos, utusan po ninyo ang isa sa mga pinuno ninyo na isuot sa taong pararangalan ang damit ng hari at pasakayin siya sa kabayo ng hari, at ilibot sa buong bayan habang isinisigaw ng mga kasama niya, ‘Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.’ ”
10 Sinabi ng hari kay Haman, “Sige, ipakuha mo ang isa sa mga damit at kabayo ko, at gawin mo ang lahat ng sinabi mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa pintuan ng aking palasyo. Tiyakin mo na matutupad ang lahat ng sinabi mo.”
11 Kaya kinuha ni Haman ang damit ng hari at isinuot kay Mordecai, at isinakay sa kabayo ng hari at inilibot sa lungsod habang sumisigaw siya, “Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.”
12 Pagkatapos, bumalik si Mordecai sa pintuan ng palasyo. Si Haman naman ay dali-daling umuwi na nakatalukbong dahil sa hiya at sama ng loob.