23 Sinunod ng mga Judio ang utos ni Mordecai, na patuloy nilang ipagdiwang ang pistang iyon sa bawat taon.
24 Si Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na kalaban ng mga Judio ay nagplanong patayin ang lahat ng Judio. Nagpalabunutan sila para malaman kung kailan isasagawa ang pagpatay. Ang uri ng palabunutan na ginamit ay tinatawag na “Pur”.
25 Pero nang malaman ng hari ang planong ito sa pamamagitan ni Reyna Ester, nagpasulat ang hari ng isang utos na ang masamang plano ni Haman laban sa mga Judio ay gawin kay Haman at sa mga anak nitong lalaki. At iyon nga ang nangyari.
26 Ito ang dahilan kaya tinawag ang pistang iyon na Purim, na mula sa salitang “pur”, na ang ibig sabihin ay palabunutan. At dahil sa sulat ni Mordecai at ayon sa karanasan nila,
27 nagkasundo ang mga Judio na ipagdiwang nila ang dalawang araw na iyon taun-taon katulad ng sinabi ni Mordecai, at napagpasyahan din nilang ipagdiwang ito ng kanilang angkan at ng lahat ng naging Judio.
28 Ang dalawang araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat sambahayan ng Judio sa bawat salinlahi nila, sa lahat ng lungsod at probinsya. Hindi ito dapat kalimutan o itigil ng alin mang lahi.
29 Para lalong mapagtibay ang sulat ni Mordecai tungkol sa Pista ng Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail patungkol dito. Kasama rin niya si Mordecai sa pagsulat nito.