1 Ito ang mensahe ng Panginoon na ipinahayag niya kay Joel na anak ni Petuel.
2 Kayong mga tagapamahala ng Juda at ang lahat ng inyong mamamayan, pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyo. Wala pang nangyari na katulad nito noong kapanahunan ng inyong mga ninuno o sa panahon ninyo ngayon.
3 Kailangang isalaysay ito sa bawat henerasyon ng inyong lahi.
4 Sunud-sunod na sumalakay ang mga pulutong ng balang. Ang mga naiwan na tanim na hindi naubos ng unang pulutong ay kinain ng sumunod na pulutong hanggang sa naubos ang mga tanim.
5 Kayong mga lasenggo, bumangon kayo at umiyak nang malakas! Sapagkat wala na kayong maiinom; wala nang bunga ang mga ubas na gagawing alak.
6 Ang lupain ng Panginoon ay sinalakay ng napakaraming balang. Matalas ang kanilang mga ngipin na parang mga ngipin ng leon.
7 Sinira nila ang mga tanim na ubas ng Panginoon at ang kanyang mga puno ng igos. Nginatngat nila ang mga balat nito hanggang sa mamuti ang mga sanga.
8 Umiyak kayo katulad ng isang dalaga na nakadamit ng sako na namatayan ng binatang mapapangasawa.
9 Sapagkat wala nang butil o inumin na maihahandog sa templo ng Panginoon, kaya nalulungkot ang mga paring naglilingkod sa kanya.
10 Nasira ang mga bukirin na parang taong nagdadalamhati. Nasira na ang mga trigo, at wala na ang katas ng ubas at langis.
11 Kayong mga magsasaka, dapat kayong malungkot! Kayong mga tagapangalaga ng ubasan, umiyak kayo nang malakas! Sapagkat nasira ang aanihing mga trigo at sebada.
12 Nalanta ang mga tanim na ubas at ang lahat ng puno, pati na ang mga igos, pomegranata, palma, at mansanas. Talagang nawala ang kaligayahan ng mga tao.
13 Kayong mga pari na naglilingkod sa altar ng aking Dios, magsuot kayo ng sako at pumunta sa templo at umiyak buong magdamag. Sapagkat wala nang butil o inumin na ihahandog sa templo ng inyong Dios.
14 Sabihin ninyo sa mga tagapamahala ng Juda at sa lahat ng kanyang mamamayan na pumunta silang lahat sa templo ng Panginoon na inyong Dios at mag-ayuno. Humingi sila ng tulong sa Panginoon.
15 Naku! Malapit na ang araw ng pagpaparusa ng Panginoong Makapangyarihan.
16 Nakita natin mismo kung paano tayo nawalan ng pagkain at kung paano nawala ang kagalakan sa templo ng Dios.
17 Namatay ang mga binhi sa tigang na lupa. At dahil natuyo ang mga butil, wala nang laman ang mga bodega, kaya nagiba na lamang ang mga ito.
18 Umaatungal ang mga hayop dahil sa gutom. Gumagala ang mga baka na naghahanap ng makakain, pati ang mga tupa ay nahihirapan na rin.
19 Nanalangin si Joel: Panginoon, nananawagan po ako sa inyo, dahil natuyo na ang mga pastulan at ang lahat ng punongkahoy sa bukirin, na parang nilamon ng apoy.
20 Maging ang mga hayop sa gubat ay dumadaing sa inyo, dahil tuyong-tuyo na ang mga ilog at mga sapa, at tuyo na rin ang mga pastulan, na parang nilamon ng apoy.