1 Walang katulad ang taong marunong na kayang magpaliwanag ng mga bagay. Ang karunungan ng taoʼy nakapagpapasaya ng mukha, at ang simangot ay nawawala.
2 Sundin mo ang utos ng hari, dahil ipinangako mo sa Dios na gagawin mo ito.
3 Huwag mong pababayaan ang tungkulin mo sa hari, at huwag kang sasama sa mga nagpaplano ng masama laban sa kanya, dahil kayang gawin ng hari ang anumang gustuhin niya.
4 Makapangyarihan ang utos ng hari at walang makakatutol dito.
5 Ang sinumang sumusunod sa kanyang utos ay hindi mapapahamak. Alam ng taong marunong kung kailan at kung paano gagawin ang isang bagay.
6 Dahil ang bawat bagay ay may kanya-kanyang tamang oras at pamamaraan ng paggawa gaano man kabigat ang kinakaharap ng tao.
7 Dahil walang sinuman ang nakakaalam ng hinaharap, walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari.
8 Kung paanong hindi mapipigilan ng tao ang hangin, hindi rin niya mapipigilan ang kanyang kamatayan. Tulad sa isang labanan, hindi siya makakaatras. At ang kasamaan niyaʼy hindi makapagliligtas sa kanya sa kamatayan.
9 Pinagmasdan ko ang mga bagay na nangyayari rito sa mundo, nakita kong ang mga tao ay may kakayahang saktan ang isaʼt isa.
10 Nakita ko ring ibinuburol ang masasama. Sila ang laging pumapasok sa banal na lungsod ng Jerusalem at doon gumagawa ng kasamaan. At pinupuri pa sila ng mga taong taga-roon mismo sa lugar na ginagawan nila ng kasamaan. Wala itong kabuluhan.
11 Kapag ang taong nagkasalaʼy hindi agad pinarusahan, naiisip din ng iba na gumawa ng kasalanan.
12 Kahit ang isang taoʼy magkasala ng isandaang beses at mabuhay pa nang matagal, alam kong mas mabuti pa rin ang kahihinatnan ng taong may takot sa Dios.
13 Hindi magtatagal ang buhay ng taong masama na walang takot sa Dios. Magiging parang anino ang buhay niya, sandali lang at agad mawawala.
14 Ang problema lang sa mundong ito ay kung minsan ang mga taong matuwid pa ang siyang napaparusahan ng parusang para sana sa masasama. At ang masasama naman ang siyang tumatanggap ng gantimpalang para sana sa mga matuwid. Ito man ay walang kabuluhan.
15 Kaya para sa akin, mas mabuting magpakasaya ang tao sa buhay. Walang mas mabuti para sa kanya dito sa mundo kundi ang kumain, uminom at magsaya. Sa ganitong paraan mararanasan niya ang kasiyahan habang nagpapakapagod siya sa buong buhay niya na ibinigay ng Dios sa kanya dito sa mundo.
16 Habang pinagsisikapan kong intindihin ang mga nangyayari rito sa mundo, nalaman ko kung gaano kaabala sa trabaho ang mga tao araw at gabi.
17 Nakita ko rin ang mga ginagawa ng Dios dito sa mundo. Walang sinuman ang makakaintindi nito. Kahit ano pa ang gawin ng tao para intindihin ito, hindi pa rin niya ito maiintindihan. Kahit sabihin pa ng marunong na naiintindihin niya, pero ang totoo, hindi niya talaga naiintindihan.