Nehemias 10:14-27-33 ASND

14-27 Ang mga pinuno na pumirma ay sina Paros, Pahat Moab, Elam, Zatu, Bani, Buni, Azgad, Bebai, Adonia, Bigvai, Adin, Ater, Hezekia, Azur, Hodia, Hashum, Bezai, Harif, Anatot, Nebai, Magpias, Meshulam, Hezir, Meshezabel, Zadok, Jadua, Palatia, Hanan, Anaya, Hoshea, Hanania, Hashub, Halohes, Pilha, Shobek, Rehum, Hashabna, Maaseya, Ahia, Hanan, Anan, Maluc, Harim, at Baana.

28 Ang iba pang mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari, mga Levita, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, mga mang-aawit, mga utusan sa templo, at ang lahat ng nakahiwalay sa mga dayuhang nakatira sa lupain namin para sumunod sa Kautusan ng Dios, maging ang mga asawa nila at ang mga batang nakakaunawa na

29 ay nanumpa kasama ng aming mga pinuno, na aming tutuparin ang Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Nanumpa rin kami na tatanggapin namin ang sumpa ng Dios kung hindi namin matutupad ang pangakong susundin namin ang lahat ng utos at tuntunin ng Panginoon na aming Dios.

30 Nangako kami na hindi namin papayagang makapag-asawa ang mga anak namin ng mga dayuhang naninirahan sa aming lupain.

31 Nangako rin kami na hindi kami bibili kung ipagbibili ng mga dayuhan ang trigo nila o kahit anong ipinagbibili sa Araw ng Pamamahinga o sa ibang banal na araw. At tuwing ikapitong taon, hindi kami magtatanim sa aming lupain, at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin.

32 Nangako pa kami na tutuparin namin ang utos na magbibigay kami bawat taon ng apat na gramong pilak para sa gawain sa templo ng aming Dios.

33 Nakalaan ito para sa tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios, sa mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na inihahandog araw-araw, sa mga handog para sa Araw ng Pamamahinga, para sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan, at sa iba pang mga pista; maging sa iba pang mga banal na handog tulad ng handog sa paglilinis na inihahandog upang matubos ang mga mamamayan ng Israel sa kanilang mga kasalanan. Ginagamit din ang perang ito sa iba pang mga pangangailangan sa templo ng aming Dios.