1 Bumalik ang anghel na nakipag-usap sa akin at ginising ako dahil tila nakatulog ako.
2 Tinanong niya ako, “Ano ang nakita mo?” Sumagot ako, “Nakita ko ang isang gintong patungan ng ilawan. Sa itaas nito ay may mangkok na lalagyan ng langis. Sa paligid ng mangkok ay may pitong ilawan na ang bawat isa ay may pitong tubo na dinadaluyan ng langis.
3 May dalawang puno ng olibo sa magkabila nito, isa sa kanan at isa sa kaliwa.”
4 Tinanong ko ang anghel na nakikipag-usap sa akin, “Ano po ba ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot siya,
5 “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot ako, “Hindi po.”
6 Sinabi niya sa akin, “Bago ko sagutin iyan, pakinggan mo muna itong mensahe ng Panginoong Makapangyarihan na sasabihin mo kay Zerubabel:“Zerubabel, matatapos mo ang pagtatayo ng templo hindi sa pamamagitan ng lakas o kakayahan ng tao kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu.
7 Maging kasinlaki man ng bundok ang hadlang na iyong haharapin, papatagin iyan. Matatapos ang templo, at habang inilalagay ang kahuli-hulihang bato nito, isisigaw ng mga tao, ‘Panginoon, pagpalain nʼyo po ito.’”
8 Kaya sa pamamagitan ng anghel, sinabi sa akin ng Panginoon
9 na matatapos ang templo sa pamamahala ni Zerubabel, gaya ng pamamahala niya sa pagtatayo ng pundasyon nito. At kapag nangyari na ito, malalaman ninyo na ang Panginoong Makapangyarihan ang nagsugo sa akin sa inyo.
10 May mga taong kumukutya dahil kakaunti pa lamang ang nagagawa sa pagpapatayo ng templo. Pero matutuwa sila kapag nakita na nilang inilalagay ni Zerubabel ang pinakahuli at natatanging bato sa templo.Pagkatapos, sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong ilawang iyan ay ang mata ng Panginoon na nagmamasid sa buong mundo.”
11 Nagtanong ako sa anghel, “Ano ang ibig sabihin ng dalawang puno ng olibo – isa sa kanan at isa sa kaliwa ng lalagyan ng ilaw?
12 At ano ang ibig sabihin ng dalawang sanga ng punong olibo sa tabi ng dalawang gintong tubo na dinadaluyan ng langis na kulay ginto?”
13 Sinabi niya sa akin, “Hindi mo ba alam ang ibig sabihin ng mga iyan?” Sumagot ako, “Hindi po.”
14 Kaya sinabi niya sa akin, “Ang mga iyan ay kumakatawan sa dalawang taong pinili na maglilingkod sa Panginoon na naghahari sa buong mundo.”