1 Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Zefanias noong si Josia na anak ni Amon ang hari ng Juda. Si Zefanias ay anak ni Cushi na anak ni Gedalia. Si Gedalia naman ay anak ni Amaria na anak ni Hezekia.
2 Sinabi ng Panginoon, “Lilipulin ko ang lahat ng bagay na nasa mundo –
3 ang mga tao, hayop, ibon at isda. Mawawala ang lahat ng nag-uudyok sa tao para magkasala pati ang mga makasalanan. Lilipulin ko nga ang lahat ng tao sa mundo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
4 “Parurusahan ko ang mga mamamayan ng Juda, pati na ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. Lilipulin ko ang mga natitirang sumasamba sa dios-diosang si Baal pati na ang mga paring naglilingkod dito, para tuluyan na silang makalimutan.
5 Lilipulin ko rin ang mga taong umaakyat sa bubong ng kanilang bahay para sumamba sa araw, sa buwan at mga bituin. Lilipulin ko ang mga sumasamba at sumusumpang maglilingkod sa akin, pero sumusumpa ring maglilingkod sa dios-diosang si Molec.
6 Lilipulin ko ang mga tumatalikod at hindi dumudulog sa akin.
7 “Tumahimik kayo sa harapan ko, dahil malapit na ang araw ng aking pagpaparusa. Inihanda ko na ang aking mga mamamayan para patayin tulad ng hayop na ihahandog. Pinili ko na ang mga kalaban na tinawag ko na sasalakay sa Juda.
8 Sa araw na iyon, papatayin ko ang mga taga-Juda na parang hayop na ihahandog. Parurusahan ko ang kanilang mga opisyal at ang mga anak ng kanilang hari, at ang lahat sa kanila na sumusunod sa masasamang ugali ng ibang bansa.
9 Parurusahan ko rin sa araw na iyon ang lahat ng sumasali sa mga seremonya ng mga hindi nakakakilala sa akin, at ang mga nagmamalupit at nandaraya para punuin ng mga bagay ang bahay ng kanilang panginoon.
10 “Ako, ang Panginoon ay nagsasabing sa araw na iyon maririnig ang iyakan sa pintuan na tinatawag na Isda ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol.
11 Mag-iyakan kayo, kayong mga naninirahan sa mababang bahagi ng lungsod ng Jerusalem dahil mamamatay ang lahat ng inyong mga mangangalakal.
12 “Sa araw ding iyon, susuyurin kong mabuti ang Jerusalem at parurusahan ko ang mga taong nagpapasarap lang sa buhay at nagsasabi sa kanilang sarili, ‘Walang gagawin ang Panginoon sa amin mabuti man o masama.’
13 Aagawin sa mga taong ito ang kanilang mga pag-aari at wawasakin ang kanilang mga bahay. Hindi sila ang titira sa mga bahay na kanilang itinayo. At hindi sila ang iinom ng inuming mula sa ubas na kanilang itinanim.”
14 Malapit na ang nakakatakot na araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Itoʼy mabilis na dumarating. Mapait ang araw na iyon, dahil kahit na ang matatapang na sundalo ay sisigaw para humingi ng tulong.
15 Sa araw na iyon, ipapakita ng Dios ang kanyang galit. Magiging araw iyon ng pighati at paghihirap, araw ng pagkasira at lubusang pagkawasak. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon,
16 at maririnig ang tunog ng trumpeta at sigawan ng mga sundalong sumasalakay sa mga napapaderang lungsod at sa matataas na tore nito.
17 Sinabi ng Panginoon, “Ipaparanas ko ang paghihirap sa mga tao, at lalakad sila na parang bulag dahil nagkasala sila sa akin. Dadaloy na parang tubig ang kanilang dugo, at mabubulok na parang dumi ang kanilang bangkay.
18 Hindi sila maililigtas ng kanilang mga pilak at ginto sa araw na ipapakita ko ang aking galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo. Sapagkat bigla kong lilipulin ang lahat ng naninirahan sa lupa.”