8 Sa araw na iyon, papatayin ko ang mga taga-Juda na parang hayop na ihahandog. Parurusahan ko ang kanilang mga opisyal at ang mga anak ng kanilang hari, at ang lahat sa kanila na sumusunod sa masasamang ugali ng ibang bansa.
9 Parurusahan ko rin sa araw na iyon ang lahat ng sumasali sa mga seremonya ng mga hindi nakakakilala sa akin, at ang mga nagmamalupit at nandaraya para punuin ng mga bagay ang bahay ng kanilang panginoon.
10 “Ako, ang Panginoon ay nagsasabing sa araw na iyon maririnig ang iyakan sa pintuan na tinatawag na Isda ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol.
11 Mag-iyakan kayo, kayong mga naninirahan sa mababang bahagi ng lungsod ng Jerusalem dahil mamamatay ang lahat ng inyong mga mangangalakal.
12 “Sa araw ding iyon, susuyurin kong mabuti ang Jerusalem at parurusahan ko ang mga taong nagpapasarap lang sa buhay at nagsasabi sa kanilang sarili, ‘Walang gagawin ang Panginoon sa amin mabuti man o masama.’
13 Aagawin sa mga taong ito ang kanilang mga pag-aari at wawasakin ang kanilang mga bahay. Hindi sila ang titira sa mga bahay na kanilang itinayo. At hindi sila ang iinom ng inuming mula sa ubas na kanilang itinanim.”
14 Malapit na ang nakakatakot na araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Itoʼy mabilis na dumarating. Mapait ang araw na iyon, dahil kahit na ang matatapang na sundalo ay sisigaw para humingi ng tulong.