6 Sinabi ng Panginoon, “Nilipol ko ang mga bansa; giniba ko ang kanilang mga lungsod pati ang kanilang mga pader at mga tore. Wala nang natirang mga mamamayan, kaya wala nang makikitang taong naglalakad sa kanilang mga lansangan.
7 Dahil sa mga ginawa kong ito akala ko igagalang na ako ng aking mga mamamayan at tatanggapin na nila ang aking pagsaway sa kanila, para hindi na magiba ang kanilang lungsod ayon sa itinakda ko sa kanila. Pero lalo pa silang nagpakasama.
8 “Kaya kayong tapat na mga taga-Jerusalem, hintayin ninyo ang araw na uusigin ko ang mga bansa. Sapagkat napagpasyahan kong tipunin ang mga bansa at ang mga kaharian para ibuhos sa kanila ang matindi kong galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo.
9 Pagkatapos, babaguhin ko ang mga tao, para lahat silaʼy lalapit sa akin at magkakaisang maglilingkod sa akin.
10 Ang aking mga mamamayang nangalat sa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia ay magdadala ng mga handog sa akin.
11 “Sa araw na iyon, kayong mga taga-Jerusalem ay hindi na mapapahiya sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa akin, dahil aalisin ko sa inyo ang mga mapagmataas at mayayabang. Kaya wala nang magyayabang doon sa aking banal na bundok.
12 Pero mag-iiwan ako sa Jerusalem ng mga taong aba at mahihirap na hihingi ng tulong sa akin.