1 Pedro 1 MBB05

1 Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo—Sa mga hinirang ng Diyos na nasa iba't ibang lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia.

2 Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang kaalaman sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo.Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala at kapayapaan.

Isang Buháy na Pag-asa

3 Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa libingan at ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa.

4 Makakamit natin ang isang kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo.

5 Sapagkat kayo'y sumasampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang iyan na ihahayag sa katapusan ng panahon.

6 Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon.

7 Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.

8 Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit siya'y inibig na ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya na kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita,

9 sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang inyong kaligtasan.

10 Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa kaloob na nakalaan sa inyo.

11 Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya.

12 Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita ng Diyos sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo sa kanila mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito.

Paanyaya sa Banal na Pamumuhay

13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo.

14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa.

15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa,

16 sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”

17 Walang itinatangi ang Diyos. Pinapahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo'y nabubuhay.

18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang ipinantubos sa inyo'y hindi ang mga bagay na nasisira o nauubos, tulad ng ginto o pilak,

19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan.

20 Pinili na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at ipinahayag siya alang-alang sa inyo, bago sumapit ang katapusan ng mga panahon.

21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.

22 Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan.

23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng kapanganakang may kamatayan, kundi sa bisa ng buháy at di nagbabagong salita ng Diyos.

24 Ayon sa kasulatan,“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.Ang damo ay nalalanta, at kumukupas naman ang bulaklak,

25 ngunit ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman.”At ang salitang ito ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.

mga Kabanata

1 2 3 4 5