Juan 10 MBB05

Talinhaga Tungkol sa Pastol

1 “Pakatandaan ninyo: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan.

2 Ang tunay na pastol ay sa pintuan nagdaraan.

3 Pinapapasok siya ng gwardiya, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan.

4 Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig.

5 Hindi sila sumusunod sa iba, kundi patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.”

6 Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

Si Jesus ang Mabuting Pastol

7 Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako nga ang pintuang dinaraanan ng mga tupa.

8 Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa.

9 Ako nga ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan.

10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap.

11 “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa.

12 Ang bayaran ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog.

13 Tumatakas siya, palibhasa'y bayaran lamang at walang malasakit sa mga tupa.

14-15 Ako nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa.

16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin at papakinggan naman nila ang aking tinig. Sa gayon, magiging isa na lamang ang kawan at isa ang pastol.

17 “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli.

18 Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kuning muli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama.”

19 Dahil sa mga pananalitang ito, hindi na naman nagkaisa ng palagay ang mga Judio.

20 Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo at nababaliw! Bakit kayo makikinig sa kanya?”

21 Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakapagpapagaling ba ng bulag ang demonyo?”

Itinakwil ng mga Judio si Jesus

22 Taglamig na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo.

23 Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon,

24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami ilalagay sa alanganin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang tuwiran.”

25 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin.

26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.

27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin.

28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman.

29 Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama.

30 Ako at ang Ama ay iisa.”

31 Ang mga pinuno ng mga Judio'y muling dumampot ng bato upang batuhin siya.

32 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Marami akong mabubuting gawang ipinakita sa inyo mula sa Ama. Alin ba sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?”

33 Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos, bagama't tao ka lamang.”

34 Tumugon si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’?

35 Mga diyos ang tawag ng Kautusan sa mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan.

36 Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos?

37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan.

38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa kanya.”

39 Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit siya'y nakaalis.

40 Muling pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Habang naroroon siya'y

41 maraming lumalapit sa kanya. Sinasabi nila, “Si Juan ay walang ginawang himala ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.”

42 At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21