1 Pagkaraan nito, nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na bumababa mula sa langit. Siya'y nababalot ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulunan. Nagniningning na parang araw ang kanyang mukha, at parang mga haliging apoy ang kanyang mga binti.
2 May hawak siyang isang maliit na kasulatan na nakabukas. Itinuntong niya sa dagat ang kanyang kanang paa, at sa lupa naman ang kaliwa.
3 Sumigaw siya, at ang kanyang tinig ay parang atungal ng leon. Tinugon siya ng dagundong ng pitong kulog.
4 Isusulat ko sana ang aking nasaksihan nang matapos ang dagundong. Ngunit narinig ko mula sa langit ang isang tinig na nagsabi, “Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog, huwag mo nang isulat!”
5 At itinaas ng anghel na nakita kong nakatuntong sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay
6 at nanumpa sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman na siyang lumikha ng langit, lupa, dagat, at ang lahat ng naroroon. Sinabi ng anghel, “Hindi na magtatagal!
7 Sa araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, isasagawa na ng Diyos ang lihim niyang plano, gaya ng ipinahayag niya sa mga propeta na kanyang mga lingkod.”
8 Pagkatapos ay kinausap akong muli ng tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, “Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, at kunin mo ang hawak niyang kasulatan na nakabukas.”
9 Nilapitan ko nga ang anghel at hiningi ang kasulatan. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong panlasa'y kasingtamis ng pulot-pukyutan.”
10 Inabot ko nga at kinain ang maliit na kasulatan. Matamis nga iyon, parang pulot-pukyutan sa bibig, ngunit nang malunok ko na'y pumait ang aking sikmura.
11 At sinabi nila sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mga ipinasasabi ng Diyos tungkol sa mga tao, bansa, wika, at mga hari.”