1 Pagkatapos, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos at ang dambana, at bilangin mo ang mga sumasamba roon.
2 Ngunit huwag mo nang sukatin ang mga bulwagan sa labas ng templo, sapagkat ibinigay na iyon sa mga taong di-kumikilala sa Diyos. Hindi nila igagalang ang Banal na Lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.
3 Ipadadala ko ang dalawa kong saksi na nakadamit ng sako, at sa loob ng 1,260 araw ay ipahahayag nila ang mensaheng mula sa Diyos.”
4 Ang mga saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng lupa.
5 Kapag may nagtangkang manakit sa kanila, magbubuga sila ng apoy at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Sa ganoong paraa'y mamamatay ang mga magtatangkang manakit sa kanila.