6 May kapangyarihan silang isara ang langit upang hindi umulan sa panahon ng pagpapahayag nila ng mensaheng mula sa Diyos. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig, at magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing naisin nila.
7 Pagkatapos nilang magpatotoo, aahon ang halimaw na nasa bangin at makikipaglaban sa kanila. Matatalo sila at mapapatay ng halimaw,
8 at ang kanilang bangkay ay mahahandusay sa lansangan ng dakilang lunsod, na ang patalinhagang pangalan ay Sodoma o Egipto, kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.
9 Sa loob ng tatlo't kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay panonoorin ng mga tao mula sa iba't ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi papayag ang mga ito na mailibing ang mga bangkay.
10 Magagalak ang lahat ng tao sa sanlibutan dahil sa pagkamatay ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo sapagkat ang dalawang propetang iyon ay nagdulot sa kanila ng labis na kahirapan.
11 Pagkalipas ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hangin ng Diyos na nagbibigay-buhay at sila'y tumayo, at labis na nasindak ang mga nakakita sa kanila.
12 Pagkatapos ay narinig nilang nagsalita ang isang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang nakatingin ang kanilang mga kaaway, umakyat sila sa langit habang nakasakay sa ulap.