4 Ito ang mga lalaking nanatiling malinis at hindi nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga babae. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero.
5 Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan.
6 Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa kalawakan, dala ang walang katapusang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lahi, wika, at bayan.
7 Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!”
8 Sumunod naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Pinainom niya ang lahat ng tao ng alak ng kanyang kahalayan!”
9 At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw nang malakas, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay,
10 ay paiinumin ng Diyos ng alak ng kanyang poot na walang halong ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at ng Kordero.