12 At ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates. Natuyo ang ilog at nagkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan.
13 At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, at ng halimaw, at ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka.
14 Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15 “Makinig kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Mapalad ang nanatiling gising at nakabihis na. Hindi siya lalakad na hubad at di mapapahiya sa harap ng mga tao!”
16 At ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo.
17 Pagkatapos nito, ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa himpapawid. At may nagsalita nang malakas mula sa tronong nasa templo, “Naganap na!”
18 Kumidlat, kumulog, at lumindol nang napakalakas. Ito ang pinakamalakas na lindol sa buong kasaysayan ng sangkatauhan.