6 Mapalad at lubos na pinagpala ang mga nakasama sa unang pagbuhay sa mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan; sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon.
7 Pagkatapos ng sanlibong taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo.
8 Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito at isasama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay magiging sindami ng buhangin sa tabing-dagat.
9 Kumalat sila sa buong mundo at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lunsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas.
10 At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa dagat na apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta; magkakasama silang pahihirapan, araw at gabi, magpakailanman.
11 Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli.
12 Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat.