2 At nakita ko ang isang kabayong puti na ang nakasakay ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona at siya'y umalis upang patuloy na manakop.
3 Inalis ng Kordero ang pangalawang selyo, at narinig kong sinabi ng pangalawang buháy na nilalang, “Halika!”
4 Isa namang kabayong pula ang lumitaw na ang nakasakay ay binigyan ng kapangyarihang magpasimula ng digmaan sa lupa upang magpatayan ang mga tao. Binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Inalis ng Kordero ang pangatlong selyo, at narinig kong sinabi ng pangatlong buháy na nilalang, “Halika!” Isang kabayong itim ang nakita ko at may hawak na timbangan ang nakasakay dito.
6 May narinig akong parang isang tinig na nagmumula sa kinaroroonan ng apat na buháy na nilalang, na nagsabi, “Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sweldo sa maghapong trabaho at tatlong takal na harina lamang ang mabibili sa ganoon ding halaga. Ngunit huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak!”
7 Inalis ng Kordero ang pang-apat na selyo, at narinig kong sinabi ng pang-apat na buháy na nilalang, “Halika!”
8 At ang nakita ko nama'y isang kabayong may maputlang kulay. Ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan, at kasunod niya ang daigdig ng mga patay. Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop.