4 Mula sa kamay ng anghel ay unti-unting tumaas sa harapan ng Diyos ang usok ng insenso kalakip ng dalangin ng mga hinirang ng Diyos.
5 Pagkatapos, ang anghel ay kumuha ng mga baga mula sa dambana, inilagay sa sunugan ng insenso at inihagis sa lupa, at biglang kumulog, nagkaingay, kumidlat at lumindol.
6 At humanda ang pitong anghel upang hipan ang kanilang trumpeta.
7 Hinipan ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng yelo at apoy na may kahalong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga punongkahoy at lahat ng sariwang damo.
8 Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at bumagsak sa dagat ang isang parang malaking bundok na nasusunog. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat,
9 namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na naroon at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang-dagat.
10 Hinipan ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo at bumagsak sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal.