21 Isinuot ni Jonatan ang kasuotan ng Pinakapunong Pari noong ikapitong buwan ng taóng 160 sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. Nagtipon siya ng isang malaking hukbo at ng maraming sandata.
22 Nang ito'y mabalitaan ni Demetrio, nabagabag siya at nag-isip,
23 “Paano nangyaring tayo'y naunahan ni Alejandro? Napalakas niya ang kanyang katayuan sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa mga Judio.
24 Ang mabuti'y sulatan ko rin ang mga Judio at makipagkaibigan sa kanila; aalukin ko sila ng matataas na tungkulin at mga handog para tulungan nila ako.”
25 Ganito ang ipinadala niyang sulat: “Bumabati si Haring Demetrio sa bansang Judio.
26 Ikinagagalak naming malaman na tinutupad ninyo ang inyong bahagi sa ating kasunduan, at hindi kayo pumanig sa aming mga kaaway kundi nananatiling tapat sa amin.
27 Kung patuloy kayong magiging tapat sa amin, kayo'y aming gagantimpalaan.