1 Noong panahong iyon, isang pari mula sa angkan ni Joarib ang umalis sa Jerusalem at nanirahan sa Modein. Siya'y si Matatias na anak ni Juan at apo ni Simeon na pari.
2 May lima siyang anak na lalaki. Ang mga ito ay si Juan na tinatawag ding Gaddi;
3 si Simon na tinatawag namang Tassi;
4 si Judas na tinatawag na Macabeo;
5 si Eleazar na tinatawag na Avaran; at si Jonatan na tinatawag namang Afu.
6 Nasaksihan ni Matatias ang kalapastanganang nangyayari sa Judea at sa Jerusalem.
7 Nasabi niya ang ganito:“Bakit pa ako ipinanganak para masaksihan ko,ang kaapihan ng aking mga kababayan at ang pagkawasak ng banal na lunsod?Magwawalang bahala na lamang ba akosamantalang ganito ang ginagawa ng kaaway sa lunsod at sa templo?
8 Parang lalaking walang dangal ang templo ng Diyos.
9 Mga gamit ay sinimot.Mga sanggol ay dinurogat kabataan ay tinuhog.
10 Mga palasyo'y kinamkamng lumupig na dayuhan.
11 Palamuti ay sinamsam, kalayaan ay inagaw,at sila'y inalipin pang lubusan.
12 Dating kay gandang dambana, tingnan ninyo ngayon at sira,kanilang nilapastangan ang templo nating dakila.
13 Ano pa ang halaga ng mabuhay?”
14 Sa tindi ng dalamhati, sinira ni Matatias at ng kanyang limang anak ang kanilang kasuotan. Nagsuot sila ng damit-panluksa at nanangis ng buong pait.
15 Ang mga opisyal ng hari na inatasang pilitin ang mga taong sumamba sa mga diyus-diyosan ay nagtungo sa lunsod ng Modein upang utusan ang mga tagaroon na maghandog sa mga altar ng pagano.
16 Maraming Israelita ang lumapit at nagtipun-tipon sa paligid nila. Naroon din si Matatias at ang lima niyang anak.
17 Nilapitan si Matatias ng mga kinatawan ng hari at sinabi, “Ikaw ay pinunong iginagalang dito at sinusunod ng iyong mga kamag-anak.
18 Manguna ka sa pagtupad sa utos ng hari, gaya ng ginawa ng mga Hentil at ibang mga taga-Judea at Jerusalem. Gawin mo lang ito ay tiyak na mapapabilang ka at ang iyong mga anak sa mga ‘Kaibigan ng Hari’, at gagantimpalaan ka niya ng pilak, ginto at iba pang regalo.”
19 Ngunit malakas na sumagot si Matatias, “Kahit lahat ng bansa ay sumunod sa hari at dahil dito'y nilabag nila ang pananampalatayang ipinamana ng kanilang mga ninuno,
20 kami ng aking sambahayan at mga kamag-anakan ay tutupad pa rin sa kasunduang ibinigay sa aming mga ninuno.
21 Huwag nawang ipahintulot ng Diyos na sumuway kami sa kanyang mga utos.
22 Hindi kami susunod sa gayong ipinagagawa ng hari at lalo namang hindi kami magtataksil sa aming relihiyon kailanman!”
23 Katatapos pa lang na magsalita si Matatias nang isang kapwa Judio ang kitang-kitang lumapit sa dambanang nasa Modein at naghandog bilang pagsunod sa utos ng hari.
24 Nang makita ito ni Matatias, napoot siya gayunma'y makatuwiran ang pagkapoot niya. Nilapitan niya ito at pinatay sa harap ng dambana.
25 Pinatay rin niya ang sugo ng haring pumipilit sa mga tao na maghandog sa dambanang pagano. Pagkatapos, sinira niya ang dambana.
26 Sa ganitong paraan ipinakita niya ang kanyang pagmamalasakit sa Kautusan, gaya ng ginawa ni Finehas nang patayin nito si Zimri na anak ni Salu.
27 Matapos gawin ito, isinigaw ni Matatias sa buong lunsod ang ganito: “Sinumang tapat sa tipan ng Diyos at tumutupad sa kanyang mga utos ay sumunod sa akin!”
28 Pagkatapos nito, siya at ang kanyang mga anak ay namundok. Iniwanan nila ang lahat ng kanilang ari-arian sa lunsod.
29-30 Ang marami, na naniniwalang dapat sundin ang utos ng Diyos at mga tuntunin ng kanilang relihiyon, ay lumabas din at sa ilang na nanirahan, kasama ang kani-kanilang sambahayan. Dinala rin nila ang kanilang mga kawan sapagkat abut-abot na ang kasamaang nararanasan nila.
31 Ang ganitong paglikas ay nakarating sa kaalaman ng mga opisyal ng hari na nasa Lunsod ni David, sa Jerusalem. Nalaman nila na ang mga ayaw sumunod sa utos ng hari ay nagsipagtago sa ilang.
32 Maraming mga tauhan ang humabol at inabutan nila ang mga ito. Humimpil muna ang mga ito sa ibayo at humandang salakayin ang mga tumakas pagdating ng Araw ng Pamamahinga.
33 Bago sumalakay ay binabalaan muna sila, “May panahon pa. Lumabas kayo at sundin ang utos ng hari, at hindi namin kayo papatayin.”
34 Sa panawagan nila'y ganito ang sagot: “Hindi kami lalabas; hindi kami susunod sa utos ng hari na lapastanganin ang Araw ng Pamamahinga.”
35 Kaya't lumusob agad ang mga kawal ng hari.
36 Ngunit hindi lumaban ang mga Judio; ni isang bato'y hindi sila naghagis. Hindi rin nila nilagyan ng pananggalang ang bungad ng mga yungib na pinagtataguan nila.
37 Ang sabi nila, “Mamamatay kaming malinis ang aming budhi. Ang langit at lupa ang saksi namin sa walang katarungang paglipol ninyo sa amin.”
38 Sa Araw nga ng Pamamahinga nang sumalakay ang mga kawal ng hari. May isang libong tao ang napatay, kabilang ang mga ina at mga bata. Pati ang kawan nila ay nalipol rin.
39 Ang nangyaring ito'y nabalitaan ni Matatias at ng kanyang mga kaibigan, at ipinagdalamhati nila ito.
40 Napag-usapan nila, “Kung hindi tayo magtatanggol sa ating sarili at sa ating relihiyon gaya ng ginawa ng ating mga kababayan, mauubos tayo.”
41 Kaya noon di'y nagkaisa sila. “Mula ngayon, kahit Araw ng Pamamahinga, lalaban tayo upang hindi tayo matulad sa mga kababayan nating napatay nang walang laban sa kanilang taguan.”
42 Isang pangkat ng matatapang na Hasideo ang sumanib sa kanila. Ang mga ito'y mga tapat na tagasunod ng Kautusan.
43 Naragdagan pa sila ng maraming tumatakas dahil sa nangyari. Nagkasundo silang magsama-sama at bumuo ng isang hukbo.
44 Sa matinding galit ng mga ito, pinagpapatay nila ang mga nagkakasala at lumalabag sa utos ng Diyos. Ang mga nakatakas ay napilitang sumama na sa mga Hentil para maligtas.
45 Ang mga altar ng mga Hentil ay winasak nina Matatias at ng kanyang mga kasama.
46 Lahat ng batang hindi tuli na matagpuan sa Israel ay pilit nilang ipinatuli.
47 Tinugis nila ang mga mapagmataas at mga hambog na pinuno ng mga Hentil na tumakas. Kaya't ang kilusan nina Matatias ay lumaganap sa buong bansa.
48 Sa ganitong paraan, ang utos ng Diyos ay napangalagaan, at hindi nagtagumpay ang hangarin ng mga Hentil at ng hari nila na wasakin ito.
49 Ang takdang panahon ng kamatayan ni Matatias ay dumating. Ngunit bago siya namatay, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Laganap ngayon ang karahasan at paghihirap. Mga mapagmataas ang nasa kapangyarihan at tayo'y hinahamak.
50 Kayo, mga anak, ay dapat maging matapat sa Kautusan at kung kinakailangan ay handang ibuwis ang buhay para sa tipan ng Diyos sa ating mga ninuno.
51 “Alalahanin ninyo ang ginawa ng ating mga ninuno noong kanilang kapanahunan. Sundin ninyo ang kanilang halimbawa, at kayo'y gagantimpalaan ng karangalan at lubos na katanyagan.
52 Hindi ba't si Abraham ay sinubok at nagtagumpay, at dahil dito'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid?
53 Sa panahon ng kahirapan, sinunod naman ni Jose ang Kautusan, at siya ay naging tagapamahala ng Egipto.
54 Dahil sa maalab na paglilingkod ng ating ninunong si Finehas, natamo naman niya ang kasunduan ng walang hanggang pagkapari.
55 Sa pagtugon ni Josue sa utos ng Diyos sa kanya, siya'y naging hukom ng bayang Israel.
56 Natamo naman ni Caleb ang bahagi ng lupain bilang pamana, sapagkat katotohanan ang kanyang ibinalita sa kapulungan ng Israel.
57 Sapagkat si David ay mapagmalasakit, natanggap niya ang pangako ng Diyos na mananatili bilang hari ang kanyang sambahayan.
58 Sa masigasig na pagpapatupad sa Kautusan, si Elias ay iniakyat sa kalangitan.
59 Dahil sa pananampalataya nina Hananias, Azarias at Misael, sila'y naligtas sa maningas na apoy.
60 Si Daniel ay iniligtas naman mula sa bibig ng mga leon dahil siya ay isang taong matapat.
61 Kaya nga pakakatandaan ninyo, ang lahat ng salinlahi na nagtiwala sa Diyos ay hindi nanghina kailanman.
62 Huwag kayong matakot sa banta ng mga makasalanan, sapagkat ang kanilang katanyagan ay magwawakas; mamamatay sila at uubusin ng mga uod ang kanilang bangkay.
63 Maaaring sila'y lubos na kinatatakutan ngayon, ngunit tiyak na darating ang panahon na anumang bakas nila ay hindi na makikita; ang kanilang mga masamang plano'y kasamang maaagnas ng kanilang mga bangkay.
64 Mga anak, magpakatatag kayo, at patuloy ninyong ipagtanggol ang kautusan; kayo ay dadakilain sa pamamagitan nito.
65 “Si Simon ay ituring ninyong ama, kahit siya'y inyong kapatid. Ang anak kong ito ay marunong, kaya't siya ay inyong pakinggan lagi.
66 Si Judas Macabeo ay kilanlin ninyong puno ng hukbo. Siya'y mandirigma na mula pa sa pagkabata, at siya ang mangunguna sa inyong pakikidigma laban sa mga kaaway.
67 Tipunin ninyo ang lahat ng sumusunod sa Kautusan at ipaghiganti ninyo ang ginawang paglapastangan sa inyo.
68 Gumanti kayo sa mga Hentil dahil sa ginawa sa inyo, at tuparin ninyo ang isinasaad sa utos ng Diyos.”
69 Matapos basbasan ni Matatias ang kanyang mga anak, namatay siya.
70 Namatay siya noong taóng 146, inilibing sa Modein, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang buong Israel ay nagdalamhati sa kanyang pagkamatay.