29 Sa pamamagitan ng liham na ito'y ipinagbibigay-alam ko sa inyo na mula ngayo'y hindi na kayo kailangang magbayad ng karaniwang buwis, buwis sa asin, at iba pang tanging buwis.
30 Bukod dito, mula sa araw na ito'y malaya na kayo sa pananagutang magbigay sa akin ng ikatlong bahagi ng inyong aning trigo at ng kalahati ng aning bungangkahoy. Mula ngayon, hindi ko na hihingin ang mga kabayarang ito mula sa Judea o sa tatlong purok na napadagdag sa Judea mula sa Samaria at sa Galilea.
31 Ang Jerusalem, kasama ang mga lupaing nasa paligid nito, ay kikilalaning isang banal na lunsod at hindi magbabayad ng anumang buwis.
32 Inaalis ko na rin ang aking kapangyarihan sa kuta ng Jerusalem at ipinaiilalim ito sa Pinakapunong Pari at siya ang magtatakda ng sinumang nais niyang maging bantay roon.
33 Pinalalaya ko na rin ang lahat ng Judiong bihag ng digmaan saanmang panig ng aking kaharian. Lahat sila'y hindi rin magbabayad ng buwis, maging para sa kanilang mga baka.
34 Hindi hihingan ng buwis ang sinumang Judio saanman sa aking kaharian kung Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan, at iba pang sagradong araw. Gayon din, hindi na lilikom ng buwis tatlong araw bago sumapit o makalipas ang mga pangunahing sagradong araw.
35 Walang sinumang maaaring humingi sa inyo ng kabayaran o manligalig sa inyo sa alinman sa mga naturang araw.