43 Ang sinumang may pagkakautang sa hari o may iba pang utang at nagtago sa Templo sa Jerusalem o sa alinmang lupaing sakop nito ay hindi darakpin; hindi rin sasamsamin ang kanyang ari-arian kahit saang panig ng kaharian ito naroroon.
44 Ang gugugulin para sa muling pagpapatayo at sa pagpapaayos ng Templo ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.
45 Gayundin naman, ang gugugulin sa pagpapaayos ng mga pader ng Jerusalem at ng mga kuta sa paligid nito, pati ang mga pader ng itinakdang mga lunsod sa Judea, ay manggagaling sa kabang-yaman ng palasyo.”
46 Nang marinig ni Jonatan at ng bayan ang mga alok ni Haring Demetrio, ayaw nilang maniwala o tanggapin man ang mga iyon, sapagkat naalala nila ang malupit na pakikitungo nito sa kanila at ang mga kahirapang idinulot sa bansang Judio.
47 Minabuti nilang ang kilalanin ay si Alejandro at sa kanya ibigay ang kanilang katapatan, sapagkat ito ang unang nakipag-unawaan sa kanila; at nanatili silang magkapanalig habang ito'y nabubuhay.
48 Si Haring Alejandro ay nagtatag ng isang malaking hukbo at humandang makipagdigma sa hukbo ni Demetrio.
49 Subalit nang magkaharap na ang mga hukbo ng dalawang hari, umatras at tumakas ang hukbo ni Alejandro. Tinugis sila ni Demetrio at nagwagi ito sa digmaang iyon.