54 Ngayon, ako'y handa nang makipagkaisa. Ipakasal mo sa akin ang iyong anak na dalaga at kayong dalawa'y bibigyan ko naman ng mga handog na karapat-dapat sa inyo.”
55 Ito ang naging tugon ni Haring Tolomeo, “Isang dakilang araw na maituturing ang pagbabalik mo sa iyong bansa at pagluklok sa trono ng iyong mga ninuno.
56 Sumasang-ayon ako sa iyong mga mungkahi, subalit magkita muna tayo sa Tolemaida para magkakilala tayo nang mabuti. Saka ko ipakakasal sa iyo ang aking anak na dalaga.”
57 Kaya nang taóng 162, umalis ng Egipto si Haring Tolomeo at ang anak niyang dalaga na si Cleopatra at pumunta sa Tolemaida.
58 Sinalubong sila ni Haring Alejandro, at ipinakasal nga sa kanya ni Tolomeo ang anak niyang dalaga. Buong karangyaang ipinagdiwang sa Tolemaida ang pag-iisang-dibdib nila.
59 Sinulatan ni Haring Alejandro si Jonatan na makipagkita sa kanya.
60 Nagpunta nga sa Tolemaida si Jonatan at humarap sa dalawang hari para magpakitang-gilas. Binigyan niya sila ng mga handog na pilak at ginto; binigyan din niya ng maraming handog ang matataas na pinunong kasama nila. Gayon na lamang ang paghanga ng lahat kay Jonatan.