60 Nagpunta nga sa Tolemaida si Jonatan at humarap sa dalawang hari para magpakitang-gilas. Binigyan niya sila ng mga handog na pilak at ginto; binigyan din niya ng maraming handog ang matataas na pinunong kasama nila. Gayon na lamang ang paghanga ng lahat kay Jonatan.
61 Ngunit may ilang taksil na Judio na nais manira kay Jonatan, at nagpahatid sila ng mga maling paratang laban sa kanya, subalit hindi ito pinansin ni Haring Alejandro.
62 Ipinag-utos pa nga niya na pagsuotin si Jonatan ng kasuotang hari
63 at pinarangalan pa sa pamamagitan ng pagpapaupo rito sa kanyang tabi. Iniutos ni Alejandro sa kanyang mga pinuno na dalhin si Jonatan sa sentro ng lunsod at ipahayag na walang sinumang dapat magparatang laban dito sa anumang kadahilanan, at wala ring dapat magsimula ng anumang gulo para isangkot ito.
64 Nang makita ng mga naiinggit at naninira ang karangalang iniuukol kay Jonatan, at matapos marinig ang pahayag na ito, lahat sila'y tumakas.
65 Pinarangalan pa rin ng hari si Jonatan nang ilista siya bilang isa sa mga pangunahing kaibigan ng hari at gawing heneral at gobernador ng kanyang lalawigan.
66 Si Jonatan ay mapayapa at masayang nagbalik sa Jerusalem dahil sa tinamong tagumpay.