65 Pinarangalan pa rin ng hari si Jonatan nang ilista siya bilang isa sa mga pangunahing kaibigan ng hari at gawing heneral at gobernador ng kanyang lalawigan.
66 Si Jonatan ay mapayapa at masayang nagbalik sa Jerusalem dahil sa tinamong tagumpay.
67 Nang taóng 165, si Demetrio II na anak ni Demetrio I ay umalis sa Creta at dumating sa Siria, na lupain ng kanyang mga ninuno.
68 Nang mabalitaan ito ni Haring Alejandro, siya'y nabahala at nagbalik sa Antioquia, ang kapitolyo ng Siria.
69 Muling pinili ni Demetrio si Apolonio bilang gobernador ng Kalakhang Siria. Nagtatag si Apolonio ng isang malaking hukbo, nagkampo sa malapit sa Jamnia, at ipinasabi ang ganito kay Jonatan, ang Pinakapunong Pari:
70 “Dahil sa iyo, ako'y pinagtatawanan, ngunit bakit ka naglalagi riyan sa kabundukan at patuloy sa paghihimagsik gayong wala namang tumutulong sa iyo?
71 Kung talagang may tiwala ka sa iyong hukbo, bumabâ ka rito sa kapatagan at makipaglaban; sa gayon, mapapatunayan mo na nasa panig ko ang mga hukbo mula sa mga lunsod.