72 Makikilala mo kung sino ako at kung sinu-sino ang aking mga kapanalig; sa gayon, matutuklasan mong hindi ka maaaring makatagal sa pagsalungat sa akin. Dalawang ulit nang natatalo sa sarili nilang lupain ang mga nauna sa iyo;
73 kaya paano mo maaasahang talunin ang aking hukbong mangangabayo at ang uri ng hukbong itinalaga ko sa kapatagan? Dito'y wala kahit munting batong mapagtataguan, at wala kang matatakasan.”
74 Nang matanggap ni Jonatan ang pasabing ito ni Apolonio, siya'y nagalit. Tinipon niya ang sampung libong piling kawal mula sa Jerusalem; nagdala rin ng mga kawal ang kapatid niyang si Simon, at ang dalawang pangkat
75 ay humimpil sa labas ng Joppa. Ayaw silang papasukin ng mga kalalakihan ng lunsod sapagkat may isang pangkat doon ng mga kawal ni Apolonio. Ngunit sumalakay si Jonatan,
76 at sa pagkasindak ng kalalakihan ng lunsod, binuksan nila ang mga pintuan at hinayaang masakop ni Jonatan ang Joppa.
77 Nang mabalitaan naman ni Apolonio ang nangyari, nagsama siya ng tatlong libong mangangabayo at isang malaking hukbong-lakad at nagkunwang tatakas patimog papuntang Asdod. Subalit nagtuloy siya sa kapatagan na kasama ang kanyang pangunahing hukbo dahil tiwala siya sa lakas ng kanyang mangangabayo.
78-79 Inilagay niya ang isang libong mangangabayo sa isang lugar na sadyang pinili para sumalakay sa hukbo ni Jonatan mula sa hulihan. Tinugis sila ni Jonatan hanggang Asdod at doon nagkaharap ang dalawang hukbo.