76 at sa pagkasindak ng kalalakihan ng lunsod, binuksan nila ang mga pintuan at hinayaang masakop ni Jonatan ang Joppa.
77 Nang mabalitaan naman ni Apolonio ang nangyari, nagsama siya ng tatlong libong mangangabayo at isang malaking hukbong-lakad at nagkunwang tatakas patimog papuntang Asdod. Subalit nagtuloy siya sa kapatagan na kasama ang kanyang pangunahing hukbo dahil tiwala siya sa lakas ng kanyang mangangabayo.
78-79 Inilagay niya ang isang libong mangangabayo sa isang lugar na sadyang pinili para sumalakay sa hukbo ni Jonatan mula sa hulihan. Tinugis sila ni Jonatan hanggang Asdod at doon nagkaharap ang dalawang hukbo.
80 Noon lamang nabatid ni Jonatan na siya'y tinambangan. Napaligiran ang kanyang hukbo, at pinaulanan sila ng mga palaso mula umaga hanggang gabi.
81 Ngunit nanatiling matatag ang mga tauhan ni Jonatan, gaya ng kanyang iniutos, at napagod ang sumalakay na hukbong mangangabayo ng kaaway.
82 At nang manlupaypay na ang mga iyon, dumating naman si Simon na kasama ang kanyang hukbo at sumalakay sa mga kalaban. Sa takot ng mga iyon, sila'y nagkawatak-watak at nagtakbuhan.
83 Ang mga mangangabayo na nangalat na sa kapatagan ay tumakas patungong Asdod at doon nagtago sa templo ni Dagon na kanilang diyus-diyosan.