81 Ngunit nanatiling matatag ang mga tauhan ni Jonatan, gaya ng kanyang iniutos, at napagod ang sumalakay na hukbong mangangabayo ng kaaway.
82 At nang manlupaypay na ang mga iyon, dumating naman si Simon na kasama ang kanyang hukbo at sumalakay sa mga kalaban. Sa takot ng mga iyon, sila'y nagkawatak-watak at nagtakbuhan.
83 Ang mga mangangabayo na nangalat na sa kapatagan ay tumakas patungong Asdod at doon nagtago sa templo ni Dagon na kanilang diyus-diyosan.
84 Subalit sinunog ni Jonatan ang lunsod at ang templo ni Dagon, kaya natupok ang lahat ng nagtatago roon. Sinunog din niya ang mga bayan sa palibot at sinamsam ang mga ari-arian.
85 Nang araw na iyon humigit-kumulang sa walong libong katao ang namatay sa labanan at sa pagkatupok.
86 Pagkatapos, umalis si Jonatan at humimpil sa Ascalon. Dito'y lumabas ang kalalakihan ng lunsod na iyon at sinalubong siya para parangalan.
87 Nagbalik sa Jerusalem si Jonatan at ang kanyang mga tauhan na maraming uwing nasamsam.