33 Muling ipinagawa ni Simon ang mga kuta ng Judea at pinalagyan ng matataas na tore, matitibay na pader, at pintuang may kandado. Pagkatapos, naglagay siya roon ng maraming pagkain.
34 Nagpasugo siya kay Haring Demetrio II para hilingin na huwag na silang papagbayarin ng buwis, sapagkat walang ginawa si Trifo kundi ang pagnakawan sila.
35 Ganito ang sinasabi ng sulat na ipinadala ni Haring Demetrio bilang tugon:
36 “Pagbati mula kay Haring Demetrio para sa Pinakapunong Paring si Simon, ang kaibigan ng mga hari, at sa bansang Judio kasama ang kanilang mga pinuno.
37 Natanggap ko ang gintong korona at gintong sanga ng palma na ipinadala mo, at ako'y nahahandang makipagkasundo sa inyo at atasan ang mga pinuno na huwag na kayong hingan ng buwis.
38 Pinapagtibay ko ang nauna nating mga kasunduan. Mananatiling pag-aari ninyo ang mga tanggulang ipinagawa ninyo.
39 Pinatatawad ko rin ang inyong mga paglabag sa kasunduan, at hindi na rin kayo magbibigay ng mga tanging buwis at iba pang buwis na dating nililikom sa Jerusalem.